Ikot
Tuloy-tuloy.
Tuloy
tuloy ang pag-ikot ng mundo ngunit ako’y nakahimpil pa rin dito. Hapo. Talunan.
Naghihinagpis. Higit sa lahat, nag-iisa.
Siguro
ang pinakamahirap na gawain sa lahat ay ang ipakita ang matamis na ngiti habang
may tinitiis na poot at kalungkutan. Hindi natatapos ang isang araw na hindi ko
nahuhuli ang sarili kong tulala at may namumugtong mga mata.
Patuloy
kong inuusisa ang aking sarili, "Ano’ng mali sa akin?" Sa
tinagal-tagal ng panahong kilala ko ang aking pagkatao - mula sa kapuri-puring
aspeto hanggang sa mga kahinaan - muhkang hindi ko pa rin kilala kung sino ako.
"Bakit parating may kulang?" Ang buong pagkakabatid ko’y ang pagiging
tapat ang sagot sa lahat ng pagdududa. Hindi ako manloloko. Hindi ko kailanman
ninais na manlinlang. Kung ano man ang ipinapakita ko, iyon ay dahil
pinapatakbo ako ng aking nararamdaman. Malalim ang pinagmulan na sa aking
pag-aakala’y sapat na. Nagkamali ako.
May
pagkakataong sasampalin ka ng tadhana sa pisngi upang ika’y matuto. Mga ilang
ulit na rin naman akong nagkaganoon, ngunit wala akong pinagkatandaan. Tulad ng
isang gamo-gamong nahahalina sa ningas, walang pag-iingat kong iniwan ang mga
tao at pangyayaring tiyak at may patutunguhan. Nilamon ako ng aking pagiging
bulagsak.
Mahirap
tanggapin na sa kabila ng matuwid mong pakay at damdamin, may mga taong mas
pipiliin ang mga katangiang lugod sa nakakarami. Masakit isipin na ang mababaw
na pamantayan ay nangibabaw laban sa tapat na hangarin; na ang batayan sa
paghirang ng taong makakasama ay ayon sa pagtanggap ng iba. Ako’y napinsala ng
malupit at bulaang sukatan ng pagkatao. Higit sa lahat, ako’y naging isang
hangal.
Ikot.
Hiling ko na sana’y tumulin pa ang pag-ikot ng mga kamay ng orasan upang
matapos na rin ang sakit. Ngayon ko kailangan ng paghihilom. Nais kong bumilis
ang pag-ikot ng mundo nang ako ay tuluyan nang bumangon sa pagkakasadlak. Sawa
na ako sa dusa.
Isa
lang naman ang may katiyakan: tuloy ang pag-inog ng panahon. Sa huli’y susuko
rin ang sakit…
December 10th, 2006 at 1:06 pm
minsan ang ikot ng mundo nakakahilo..pero pag bumagsak ka bangon lang ulit… kahit anu pa, am still proud of you Pao!!! Ok ba!!! muahhh!!!
March 10th, 2007 at 11:52 pm
psst! update na ah. hmm. kelan kaya ulit tayo magkikita paopee? I miss you.